ANG KALIGTASAN NG MGA NAWAWALA
Isang Pagninilay Para sa ika-21 Linggo ng Pentecostes
Lucas 19:1-10; Oktubre 30, 2022
Ni: Reb. Padre Albert Dacera
Parokya ng Santisima Trinidad, Lungsod ng Pasay
Ang mensahe ng ating banal na Ebanghelyo sa Linggong ito ay may kinalaman sa pakipagtatagpo ni Jesus sa isang lalaking nagngangalang Zacchaeus, isang maniningil ng buwis na kinapopootan ng kanyang mga kababayang Hudyo. Si Zacchaeus ay isang balintunang tao. Ang kanyang pangalan sa Hebreo ay nangangahulugang “malinis o dalisay,” ngunit ang kanyang buhay ay taliwas dito dahil sa kanyang tiwaling paniningil ng buwis para sa pamahalaang Romano.
Si Zacchaeus ay isang maliit na tao (pandak); ngunit hindi iyon dahilan kung bakit hinamak siya ng mga tao sa Jerico. Sa talata 2 mababasa natin na siya ay punong maniningil ng buwis at may mayamang kabuhayan. Yumaman siya dahil sa tiwaling paniningil ng buwis.
Sa konteksto ng ating lipunan ngayon ay hindi lamang ang mga “tax collectors” ang yumayaman dahil sa patagong gawain ng paniningil ng buwis (“under the table”). Ang mga pinuno ng pamahalaan at mga tiwaling lingkod-bayan ay nagnanakaw ng kaban ng bayan sa iba't-ibang pamamaraan (“confidential funds”) sa gitna ng bayang naghihirap at naghihikahos. Ang yaman ng bayan ay napupunta lamang sa mga kamay ng mga magnanakaw at mandarayang katulad ni Zacchaeus.
Ang talatang 7 ay nagpapakita nang napakaraming kapaitan ng paghusga at paghamak kay Zacchaeus sa pamamagitan ng pag-ungol at pagbansag sa kanyang “makasalanan”. Patungong Jerusalem si Jesus at daraan Siya sa Jerico. Ngunit nang pagtapat Niya sa puno ng sikomoro ay napatingala Siya at nakita si Zacchaeus; at sinabihan Niya, “Magmamadali ka at bumaba, dahil kailangan kong manatili sa iyong bahay ngayon.” Si Zacchaeus ay isang sagabal para sa iba, ngunit si Jesus ay hindi nabahala o nabalisa man lamang. Makatawag pansin na sa kulturang ito ay itinuturing na kahiya-hiya sa isang matandang lalaki ang umakyat sa isang puno, lalo't higit sa isang pinakasumpa-sumpang tao sa Jerico na nasa itaas ng puno.
Sa tagpong ito mapagmamasdan natin si Jesus na sadyang tukoy lamang ang gawain ng misyon ng Kanyang Ama. Nang makita ni Jesus si Zacchaeus sa itaas ng puno, alam Niya na kailangan Siya ng taong ito. Kaya't tinawag Niya si Zacchaeus dahil nakita Niya ito bilang bahagi ng Kanyang misyong hanapin at iligtas ang nawawala.
Ang katotohanang si Zacchaeus ay handang umakyat sa isang puno at kumilos sa ganoong kahiya-hiyang kalagayan at hindi marangal na paraan ay nagpahihiwatig na mayroon siyang mahigit na pangangailangang pangkaisipan lamang tungkol kay Jesus. Si Zacchaeus ay
naghahanap upang makita kung ano at sino ang katauhan ni Jesus. Ipinakita sa pananampalataya ni Zacchaeus na gusto niyang kilalanin si Jesus nang lubusan kung kaya't hindi niya pinansin ang pambubuyo ng ibang tao at hindi ito naging hadlang sa kanya.
Kailangan ni Zacchaeus si Jesus at walang makapipigil sa kanya. Nang marinig ni Zacchaeus na gustong pumunta ni Jesus sa kanyang bahay, nagmamadali siyang bumaba mula sa puno upang tupdin ang kahilingan ni Jesus na itinuturing niyang isang mabuting balita. Nais lamang niyang makita si Jesus subalit ngayon ay makararating pa Ito sa kanyang bahay.
Nang makita ng karamihan ang nangyari ay nagbulung-bulongan sila. Si Jesus ay pumasok sa isang tahanan upang maging panauhin ng isang makasalanan. Naunawaan ni Zacchaeus ang dahilan nang pag-ungol ng mga tao dahil alam niya na siya ay isang makasalanan. Sinamantala ni Zacchaeus ang sandaling ito; tumugon siya sa mabiyayang gawa ni Jesus sa pamamagitan ng pagsisisi.
Ano ang pagsisisi? Ito ay pagtalikod sa maling daan patungo sa tama at wasto. Ang pagtalikod na ito ay bunga nang pagbabagong-isip ng isang tao at pagsang-ayon sa Diyos na ang Kanyang paraan ay pinakamabuti. Ang tunay na pagsisisi ay pagbabagong-pagkilos. Nagbagong- isip si Zacchaeus tungkol sa kahalagahan ng salapi at sumang-ayon kay Jesus na higit na mapalad ang nagbibigay kaysa tumatanggap. Si Zacchaeus ay tumalikod sa panlilinlang sa iba at bumaling sa pagpapanumbalik sa kabutihan. Ipinakita niya ang kanyang pagsisisi mula sa kanyang mga tiwaling gawain.
Nakita ni Jesus si Zacchaeus na nakaupo sa isang puno ng sikomoro at naunawaan Niya agad kung ano ang kahulugan nito. Una, tulad nang naitatag na nakahihiya para sa isang may sapat na gulang na umakyat sa isang puno -- ngunit naroon si Zacchaeus! Ito ay nagpapakita sa atin na si Zacchaeus ay hindi alintana na kutyain ng lahat upang makita lamang si Jesus na higit na mahalaga kaysa sa kanyang pagmamataas.
Pangalawa, isaalang-alang ang puno ng sikomoro na sa Gitnang Silangan ito ay nagbubungang parang igos. Ang hilaw o hindi pa hinog na prutas ay hindi nakakain dahil sa mapait na lasa nito. Kung hahayaang mahinog ay mananatiling hindi makakain dahil sa pagkakaroon ng mga putakti at iba pang mga insekto na tumutubo sa loob. Ang lunas ay butasin o sugatan ang prutas. Ang bunga ng sikomoro ay binubutas sa dalawang dahilan:
- upang pahinugin ang mga prutas sa pinakamaikling panahon hanga't maaari;
- upang matigil ang paglaki ng anumang insekto sa loob ng prutas.
Si Jesus ay naglakad patungo sa Jesuasalem at nakita nga niya si Zacchaeus sa isang puno ng sikomoro. Malamang na nakaupo sa tabi ng mga igos ang punong sikomoro-- may mapait na prutas na naiwang nag-iisa sa sarili nitong pagkasira. Alam ni Jesus ang lahat tungkol sa mga igos at mga sikomoro, kung kaya't piniling ihinto ang Kanyang paglalakbay sa Jerusalem upang tusukin ang puso ni Zacchaeus -- isang gawain ng Kanyang kamangha-manghang biyaya upang si Zacchaeus ngayon ay maging isang halimbawa ng pagpapala sa iba. Hindi sukatan ang tangkad ng isang tao upang makamit niya ang biyaya at pagpapala ng ating Panginoon Diyos. Ang mahalaga ay ang tibay at tatag ng pananampalataya nito. At higit sa lahat, ang taos-pusong pagsisisi ng mga maling gawain nito.